Thursday, May 21, 2020

NAIIBA NGA PALA AKO! HAHAHA

Mulat sapul, hindi ako gaanong matatakutin sa disgrasya o sa mga gawain na peligroso sa buhay. Kasi ang aking paniniwala ay kapag oras ko nang matepok ay matetepok ako gusto ko man o hindi. Kahit na nuong mag-asawa ako 44 na taon na ang nakakaraan at nagkaanak kami ng dalawang lalake, pinalaki ko sila na huwag maging duwag, lol! Syempre, mahirap tuparin yun ng mga bata, kasi iiyak sila pag nadapa, nahulog o nasaktan! Ay ibig kong sabihin ay ayaw kong maging iyakin ang mga anak ko. Kasi maraming mga bata ngayon na konting untog lang ay tatakbo na sa mommy nila at iiyak ng sobrang lakas! Ang mga nanay naman ay awang-awa sa bata at bine-baby! LOL! Old school kasi ako na di gaya ngayon na over-protective ang mga magulang. Konting sipon lang, takbo na sa doctor. Nauntog lang ay panic kaagad. Kaya seguro maraming mga nakasuso pa sa mga magulang ang maraming kumag na kabataan ngayon, hahaha! Konting biro lang pero sa maraming pagkakataon ay totoo naman. Kasi nuong bata pa ako, hindi ako problema ng mga magulang ako. Naiiba daw ako kasi palagi akong nasa bahay at mahilig makipaglaro sa apat kong kapatid na babae. Ang kuya ko naman ay malake ang katandaan sa akin kaya di nakikipaglaro sa akin. Ang akala nga daw ng Nanay ko ay parang babae daw ako sa tingin nya. Kasi nga mahilig akong maglinis ng bahay at malinis sa katawan. Pag tag-araw nga ay umiigib ako ng tubig sa poso naman at malimit ay naliligo ako sa tabo ng hanggang 3 beses araw-araw. LOL! Naiiba nga syempre ako. Pero, di naman ako bading. Ganun lang talaga ang hilig ko na maging malinis at masipag. At kadalasan nga ay kasing bango pa  ako ng aking mga kapatid na babae, hehehe! Ewan ko kung ninanakaw ko yata yung pabango nila o ano! LOL! Mahilig din akong magtanim ng mga halaman at mga bulaklak. Ang pangkaraniwang bulaklak ay Alembong ang tawag. Madali kasing buhayin yun kaya marami akong naitanim sa aming harapan. At saka kahit bata pa ako, mahilig kasi akong magbasa ng mga English story books at adventure, kaya sinabi ko sa aking sarili na kapag lumaki ako ay aalis ako sa Pilipinas at mag-aasawa ako ng medyo matangkad para di dwende ang aking mga anak, lol! Yun talaga ang pangarap ko sa buhay mula nuong bata pa ako.Sa darating na July 17,2020 ay 44th Wedding Anniversary na kami ng aking naging Mrs. dito sa Canada. Dalawa lang lalaki ang aming mga anak. Ang panganay ko ay 6'3 at 5'9 ang partner nya. Ang nag-iisa kong apong babae ay matangkad din kahit 8 years pa lang sya. Ang bunso ko naman ay 6' at ang partner nya ay 5'8.Wala silang anak pero may aso na turing nila ay parang anak din. Sa madalit sabi ay natupad ang aking pangarap sa buhay patungkol sa mga matatangkad na mga anak.Salamat naman ay hangga ngayon ay healthy pa rin kaming mag-asawa kahit na mga Senior Citizens na. Ang bilis nga ng panahon! O, sige na at next time uli! Salamat po uli sa lahat!


KABATAAN KO, ANG TAGAL NA NUON!

Ikukuwento ko sa inyo ang ilang mga bagay na naaalala ko pa nung ako'y bata pa sa aming lugar sa Baliuag. Ang aming mga baon nuon ay tig-sisingko sentimos lang kada araw pag nag-aaral. Malapit lang ang school namin kaya ,kaya lang maglakad nuon. Ang traffic nuon ay di gaanong grabe kasi wala pang tricycle nuon. Ang karaniwang sasakyang papuntang palengke ay jeepney o kaya kalesa. Ang Tatang ko ay sa gurnasyon ang trabaho. Yun ay mga gamit sa kabayo na humihila ng kalesa. Tumutulong ako sa Tatang ko sa pagtahi ng mga parte na gamit sa gurnasyon. Yun ay pag Sabado lang naman. Ang kainaman ay binabayaran naman ako ni Tatang ng mga 25 sentimos  o 30 sentimos kumporme sa dami ng trabaho sa buong araw. Kaya pang dagdag yun sa pang-araw araw kong baon. Duon sa mga di nakakaalam, ang exchange rate nuon sa US DOLLARS ay 2 pesos kada DOLLAR. Kaya nuon ang singko sentimos ay malaki ang value. Natatandaan ko pa na ang isang malamig na PEPSI o COCA COLA ay 10 sentimos lang. Pero pang dalawang araw na baon yun. Kaya lang kami nakakabili ng sitserya nuon ay matipid kasi kaming magkakapatid. Ang pangkaraniwang tinapay na nabibili sa tabing sari-sari store ay monay, Tahada, biscuit at iba pa. Nalimutan ko na ang mga tawag, kasi ang tagal na nun!LOL! Ang mga sikat na pangalan ng soft drinks nuon ay PEPSI, COKE, SARSI, GOODY ROOT BEER at iba pa. Diyes sentimos lang nuon ang isang botelya ng soft drinks.Pero ice-cold yun. Sarap talaga pag tag-araw!
Sino ang nakakatanda ng monay? Ewan ko kung may nabibili pang monay sa mga sari-sari store sa Baliuag. O kaya tahada at pilipit? Meron pa ba nun sa Baliuag? Singko sentimos lang ang isang piraso nun at pambusog na sa isang batang kagaya ko nuon. Natatandaan ko pa yung kapatid kong si Doris na mahilig gumawa ng wari-wariang sandwich na monay. Hihiwain niya sa gitna ang monay at kukuhanan ng konting piraso ng monay din at yun ang ipapalaman. Kung minsan ay dadagdagan ng matamis o asukal na pula para me kulay at maging masarap sa tingin. Tapos , pagtitiklupin ang dalawang pirasong monay at yun ang sandwich niya! LOL! Aba eh matsalap nga nuon ang lasa! LOL!
Isa pa ring nabibili nuon ay yung pilipit ang tawag. Pero di ako gaanong mahilig sa pilipit, kasi parang TAE ang itsura kaya sa tingin ko ay di masarap!!!!
Di ba, parang TAE itsura?? Penge ba, ay, sayo na lang! Hahaha!
Anyway, sa susunod ay baka maalala ko pa ang ibang mga sitserya na binibili namin nung mga bata pa kami. O, sige, until next time na lang! Babay!!!

Wednesday, May 20, 2020

BALIK ULI TAYO!

Ay, ang bilis talaga ng panahon! Naging masyadong busy ang buhay ko mula ng maging retirado. Akala ko'y marami akong oras na magiging libre kaso, sandamukal na trabaho dini, trabaho dito ang nangyayari. Aba eh pagkagising ko syempre, ligo, magdadamit at mag-aalmusal. Mahilig ako sa gardening kaya ito ang aking naging hobby. Ang kainaman ay mahusay itong exercise sa isip at katawan. Wala naman kasi akong masamang bisyo tulad ng inom ng beer, mag-yosi at maggala sa mga shopping centers. Sa loob-loob ko lang ay nakakasawa naman kung puro gala lang ng gala ang magagawa ko. Lalaki lang ang tiyan ko sa kakain ng mga pagkain sa Food Court. Wala naman akong hilig sa mga panggarang mga shirts o pantalon. Me edad na ako kaya di ko na kailangan yung mga items na yun. Ang kainaman ng may garden ay mga sariwa at mas masarap ang lasa ng mga tinatanim ko. Putris, parang gusto ko nang kumanta ng classic na " BAHAY KUBO"!" Ang halaman duon ay sari-sari, sibuyas, kamatis, bawang at luya", hehehe! Ang kaso lang kasi sa Vancouver Island ako nakatira kaya mahirap magtanim ng pangkaraniwang gulay sa Pinas dito sa amin. Kasi nga mas malamig ang klima dine. Sabagay, parang Baguio City din pero walang kangkong, luya at iba pang mga gulay at halaman na madaling itanim sa Pilipinas. Pero puedeng magtanim sa loob ng bahay o sa basement kung may greenhouse ka. Gumawa ako ng maliit na greenhouse duon sa tabing pinto sa basement ko. May konting insulation at palagi kong naka-ON ang mga  ilaw para uminit ng konti at tumaas ang temperature para sa mga halaman ko. Nagtanim nga ako ng saging para lang sa mga dahon na gamit ko sa paggawa ng kakanin. Halimbawa ay pambalot sa iba't ibang mga kakanin tulad ng mga iba't ibang klase ng suman. OO nga pala, puede din nga pala akong magkaron ng Boodle Fight pag natapos na ang pisteng COVID-19! Grabe talaga ano? Sobrang perwisyo ang ginawa sa mga tao sa buong mundo. Sana nga ay may madiskubre na very effective Covid vaccine para maging normal uli ang pamumuhay ng mga tao. Balita ko nga ay marami ng naghihirap at nagugutom sa Pilipinas. Buti naman ay di gaanong kaperwisyo dito di katulad sa Pilipinas. Pero marami ding nawalan ng trabaho dito sa Canada. Okey, balik tayo sa gardening! Kaya nga ayos na ayos ang gardening ko. Kasi, marami akong tanim na gulay. Mahal na din ang presyo dini at iba talaga ang lasa ng sariwang gulay na kapipitas lang. OO nga pala, marami akong tanim na strawberries, raspberries , blueberries, etc. Ang kainaman nito ay nagkakaron ako ng extra pocket money kasi nagbebenta ako ng mga halaman. Malaking tulong din syempre ito sa pension ko. Ang kainaman nga ay palagi akong busy kaya mainam sa katawan ko at sa kaisipan. Yung walang gaanong may ginagawa ay magkakasakit lang kasi tataba lang sila. Eh alam naman natin ang problema ng High blood pressure, diabetes, etc. Anyway, kailangan talaga ay maging masipag at busy tayo. Sa halip na maghimutok sa buhay ay magtrabaho tayo ng kahit ano para lang maging active ang ating mga pag-iisip at mahusay nga ito sa ating well-being. Sorry, parang naging PARI yata dating ko, hahaha! O sige, asan ang mga abuloy ninyo? Para kunwari ay nasa simbahan kayo at oras na collection, hehehe! Ay, oras ng tumakas at mag-merienda ng konti. Nagutom ako ng konti sa kasesermon, ah! Until next time! Bye!

NAIIBA NGA PALA AKO! HAHAHA

Mulat sapul, hindi ako gaanong matatakutin sa disgrasya o sa mga gawain na peligroso sa buhay. Kasi ang aking paniniwala ay kapag oras ko n...