Tuesday, August 25, 2015

Tara na, Maggala Tayo!

Ang kainaman ng retiro na ay tapos na hirap sa trabaho! Pagkaraan ng mahabang panahon sa pagkakayod ay nagka-edad na ako at retiro na! Marami pa din akong ginagawa sa bahay, mahilig akong magtanim ng gulay, mga prutas at berries at saka landscaping sa buong bakuran. Kaya para na ding regular na " trabaho " ang aking araw-araw na gawain. Kasi marami akong nakikita sa paligid na mga retirado na pero mga walang magawa sa bahay! Ang nangyayari ay pasunod-sunod sa kanilang mga asawa na parang Grade Schooler uli, hehehe! Wala kasing mga hobby kaya mga bored sa buhay! Tingnan mo nga naman, halos habang panahong nagtrabaho at matagal na hinintay ang pagkakataon mapag-retiro tapos biglang-bigla eto na, ganun lang ba ang pakiramdam ? O ano gagawin ko ngayon? Ay kalabaw! Kasi ang plano lang ng karaniwan ay makapag-ipon lang akala ay kapag maraming pera sa banko ay masaya na sila pag retirado! Kapag wala kang mga hobbies ay mahihirapan ka nga sa bahay lang!
Mahilig ako sa libot at ang number one kong hobby ay photography. Kaya mula pa nuong mas bata pa ako, mga 25 na anyos at hangga ngayon hobby kong  photography ay enjoy na enjoy ko! Ang aking misis naman ay mahilig sa bird-watching kaya kapag namamasyal kami ay ako ang photographer siya naman ay busy sa bird identification. Syempre, masarap mag-travel pag- retiro na. Di kami nagmamadaling umuwi. Kahit madilim na ng konti ay ok lang, wala trabaho kinabukasan ! !Ang kainaman ng lugar namin ay maraming mga parke na malilibutan. Libre dito yun, walang bayad. Kasi sagot yun ng mga taxes na binabayad namin sa munisipyo at sa Gobyerno. Nakikita mo kung saan napupunta yung buwis! Kapag umaalis kami ng malayong lakbay, ay sa camperized van kami sumasakay. Medyo malaki yun kaya ako lang ang driver, si Misis ay nerbyosang magmaneho nun. Sanay lang sya sa Toyota Corolla namin. Kasi 1-ton ang Roadtrek namin, mabigat na V-8 kasi kumpleto yun. Lutuan, CR, Air-con, etc. Mahilig akong magluto kaya ako ang cook paghinto at parada namin sa gabi. Dito kasi ay kailangan mong huminto sa Campsite na pribado o publico. May bayad yun pero mas murang-mura kesa sa hotel o motel. Mahigit na kalahati o kaya 1/3 lang karaniwan ang bayad kung ikompara mo sa hotel.




Kagaya lang nuong isang buwan ay galing kami sa isang isla na Texada Island ang tawag. Ay, ang sarap nga kasi tabing dagat lang! Bumili ako ng fishing license para pang-dagat at kasama na duon ay ang puedeng manguha ng mga clams at oysters! Ay,naku ang dami pong mga oysters at malalaking clams sa dalampasigan! Talagang namumulot lang ako! Ang license para sa pensioner ay $12.00 lang pang-isang taon . Ay alam ninyo, may fridge din kasi sa van namin kahit maliit nga lang ay napuno iyon ng oyster meat at saka clam meat! Yun nga lang, si Misis ay di ganung mahilig sa ganung pagkain kasi taga-rito sya. Akong Pinoy syempre ay gustong-gusto yun..inihaw, adobo..hahaha! Meron ding tinatawag na clam chowder na luto , ayun nagluto ako at nakursunadan naman ni Misis! Ang karaniwan naming kinakain pag-camping sa van ay gulay, manok, itlog, kanin, cereal, gatas, etc. May maliit na kusina kasi kami sa van. Kaya ito ang BAHAY namin pag naggagala kami. Puedeng huminto kahit kelan at pag-jingle ang kailangan ay walang problema, may CR kasi. May tangke sa ilalim ng van pag napuno na ay punta lang sa SANI-DUMP ang tawag at duon nag-flu-flush nung dumi! Para ngang bahay! Kahit tag-ulan, mainit o kahit mag-snow ay ok kami sa loob. May heater kasi at OO nga pala, may shower din sa loob at sa labas ng van. Ay parang salesman ako ng van, hahaha! Ipinapaliwanag ko lang ito para maintindiahan ninyo kung paano maggamit.
O , sige na po kayo diyan, marami pa akong aasikasuhin sa garden ko, pipitas na ako ng kamatis at litsugas! Babay na po!!!


APO AT APSO

Tiyak na hindi lang ako ang may kasong ganito: Dalawa ang anak ko, parehong lalake. Ang panganay ay may anak na batang babae, una at nag-iisang apo pa lang. Ang bunso kung anak ay walang balak mag-anak. Syempre, medyo lungkot kami ni Misis ko kasi mas maganda at masaya kung mag-kakaanak sila. Kaso nga mas gusto ang kanilang alagang aso. Malayo ang bahay at tinitirhan ng panganay ko! Halos mahigit na 4,000 kilometro ang layo nila mula sa amin. Dalawang lipad ng eroplano bago makarating sa kanila. Sa halaga ng pamasahe e bihira lang kaming magkita! Halos nga taon-taon lang. We take turns naman para di ganung magastos sa aming dalawang pamilya. Ngayon, yung bunso ko naman ay mga 8 minuto lang ang layo ng bahay nila mula sa amin. Busy silang pareho nung mahal niya kaya di gaanong madalas din ang pasyal at bisita nila sa amin.
Di ba sa fridge natin may mga retrato ng mga mahal natin sa buhay na naka-dikit sa tulong ng magnet? Sa aming fridge ay naka-display ang dalawa kong APO AT APSO! Hehehe, yung apong babae at ang APSO mula sa bunso! Tinawag ko na lang na APSO ( ASO AT APO) para di ako malito. Hehehe! Ngayon, parehong cute syempre yung dalawa! Kaya nakakatuwa pag nandito silang pareho. Kaso nga ay taunin lang kung magkita yung dalawa! Ang kainaman nga ay regular na Skype kami para kunwari ay TOTOONG nag-uusap na kaharap talaga! Nag-iiSKYPE naman yata yung dalawang magkapatid at yung mga alaga nila ay nagkikita din, hehehehe! Nuong isang taon ay nagkita yung APSO at APO ko sa aming lugar. Nakakatawa kasiyung unang pakikita nung dalawa!
                                              APSO: LARO tayo!
                                              APO: Walang kagatan ano?

Kakatuwang panuorin yung dalawang " bata ", kasi yung APSO ay mahigit lang isang taon at yung APO ay 3-taon na! Laro sila na parang parehong " TAO", lol!


Sa madalit sabi ay DALAWA nga ang naging APO at APSO ko! Hehehe, parehong nakakaligaya sa buhay naming mag-asawa at lahat naming pamilya! Basta maligaya ang buhay at tahimik na namumuhay, wala na akong mahihingi pa! OK na yun sa akin! O , sige at maglalaro na kami ng APSO ko! Hahaha! Babay!!!






Ay Salamat sa buhay at Nakakaraos naman!


Teka, 44 na taon na pala ako dito sa Canada! Wow, ang bilis ng panahon, ano nangyari? Ang buhay nga ay saksakan ng bilis! Naging LOLO , kahit isang apo ok na rin kesa wala! Ang kainaman, mura lang ang gastos pag Pasko! Hehehe! Ang kahirapan nga lang ay malayo ang bahay nila mula sa amin kaya minsanan lang kaming magkita nung apo ko at magulang niya. Syempre, Skype na lang para di malimutan nung bata ang kanyang Lolo at Lola. Ang galing nga ng technology ngayon ano? Natatandaan ko nung 1971 ng bagong salta lang ako sa Edmonton, ang long-distance call nuon ay .50 cents isang minuto! Ang mahal! Kasi ang minimum wage lang nuon ay $1.75 per ora! Eh , syempre pagtawag sa atin para makausap ang mga magulang ay at least 15 minuto! Kaya nagmamadali ako sa pagsasalita para maisulit ang bayad! Ang akala nga ng marami ay parang pinupulot lang ang mga pera dito pero sa totoo ay malaking kahirapan ang sasagubong sa iyo pagdating mo dito.
Ok, Ok, dapat ay BirongPinoy ang topic, naging sentimental si Lolo, hehehe, pasensya na kayo at kasi pagnagkakaedad na nga pala ay ganito ang nangyayari! Nagiging serious ang isipan! Aha, pero, hindi pa ako susuko sa edad ko! Hahaha, ay malakas pa ako at mahilig pa ding tumawa at magpatawa! Alam ninyo, pag summer na sa lugar namin ay para na din sa 'Pinas kasi sa Vancouver Island ako nakatira. Mainit din dito pag summer, kasi nga dahil din sa humidity kung minsan ay 30'C plus din ang temperature dito parang Manila din. Buti kamo at tabing dagat kami kaya may hanging dagat, ayos na din! Hindi alam ng marami na may mga lamok din dini. Kaya ang dapat ay linisin ang mga balde , plastic pail at iba pang puedeng maging itlugan ng mga lamok! Ay, para ding mga lamok sa atin, vampira din ang mga bwisit na yun! Ang lugar namin ay maraming ulan din pero mas gusto ko nga yun kesa sa snow! Yun nga eh, sa winter time ay tag-ulan ang kalimitang klima dito di kagaya ng ibang lugar sa Canada na may snowstorm. Paminsan-minsan din ay may konting snowfall sa lugar namin pero kalimitan ay ulan. Nabanggit ko na nga ang snowfall sa isa kong POSTING kaya di na ako  ganung magkukuwento tukol duon. Ang mga pangkaraniwang mga tao dito ay talagang very polite! Magagalang din at maraming mababait na tao lalo na yung pangkaraniwang MAYAMAN ang tawag sa atin. Halimbawa, kapag may sinudundan kang isang mama o ale na nagbukas ng pinto halimbawa sa opisina, shopping mall o kesa nga saan, hahawakan nila ang pinto para di sumara sa pagpasok mo! Ang bait at very caring ano? Hehehe, sa Pinas ay di uso yun, palaging nagmamadali yata sa atin kasi naman ay ang daming tao! Dito ay kahit crowded ay di nalilimutan ang good manners! Magandang tingnan yun at masarap at mahusay na kaugalian, di ba? Marami din akong mga kakilala na may pera din at mayaman ang buhay nila pero hindi napupunta sa ulo. Bihira dito ang tinatawag na mayabang at pasikat kasi nga , halos lahat naman ay disente ang pamumuhay.
Marami pang mga ugali at kalakaran din na naiiba sa 'Pinas. Halimbawa ay sa pagkain sa restaurant o kumbida wari sa isang bahay. Di ba sa 'Pinas ay kaugalian ang hindi uubusin ang pagkain sa plato for whatever reason, baka eka akalain na guton na gutom. Dito ay uubusin nila hanggat makakayanan ang natitirang pagkain sa plato kasi nga, ayaw din ng mga taga-rito na sayangin ang pagkain lalo na ang ulam. Kasi pinaghirapan din yung pera bago nakabili na lulutoing pagkain! Maganda ang turo dito kasi yung mga naunang mga imigrante dito ay mga naghirap din bago nakadaos pagkatapos ng ilang taon pagsisikap dito.Putris, nag-parang PARE yata ako, tunog SERMON paya ang ang laging labas ng posting!! Hehehe, Ok na po mga Kabayan, at magdidilig ng ako ng mga tanim ko...All together now..." Bahay Kubo, Kahit Munti...( di munting lupa ha?)..Babay!

                                                 Tunay na vegetable garden ko ito!
                                               Miss ko minsan ang kubo sa Probinsya!




                                                

Monday, August 24, 2015

Talagang Iba kesa sa retrato!

Hmmm, di ba pag nakakakita tayo ng mga magagandang sceneries sa mga magazines at habang nanunuod ng video mula sa abroad, the first thing na masasabi natin ay, " WOW na WOW, ang GANDA!". At syempre, medyo tayo maiinggit kasi, someday din gusto nating maka-experience ng katulad ng ibang kabayan. Ang pangkaraniwan na nakakatuwang makita ay ang winter snow! Kasi lalo't malapit na ang Pasko, ina-asosociate natin ang snow sa Pasko lalo na't may mga Pine trees sa background at saka may patong na snow, MALIGAYANG PASKO na po!! Hehehe! Ay sa totoo, wala sa loob ng mga taga-'Pinas na mahirap linisin ang mga snow! Ok lang kung nasa apartment ka lang at umuupa pero pag meron kang bahay, ikaw na may-bahay ang bahala sa papag-clearance ng snowfall kasi batas sa Canada na linisin ang snowfall sa sidewalk sa tabi ng bahay mo. Pag hindi ay puede kang pagmultahin ng municipyo! Ang gagawin nila ay magpapadala sila ng mga city workers at saka sila ang maglilinis pero ang mahal ng singil, kasi City workers ang rate nila! Aha, ganun pala kamo! Kaya mapipilitan kang mag-shovel ng snow! Ang kaso nga lang kung  minsan, lalo na sa Northern parts ng Canada, malimit mag-snow kung minsan nga over 7 months sa taon-taon yun! Ay!, Patay ang katawan mo sa paghuhukay ng snow! Yamot at kabwisitan pagkaraan ng maraming araw na paghuhukay! Hehehe, eh ano, gusto pa ba ninyo ng SNOW? Kaya nga after 19 years ako na tumira sa Edmonton, lumipat kami sa Vancouver Island, British Columbia para makalayo dun sa lugar na yun! Sobra tagal kasi ng winter duon! Ang downside naman sa Vancouver island ay sa halip na snow sa winter ay tag-ulan naman dito! Ay, mas gusto ko naman ang ulan kasi nasanay naman tayo sa ulan at bagyo sa 'Pinas! Yun nga lang, mas mahal tumira sa isang isla ( Vancouver Island) kasi sasakay ka ng ferry from the mainland para makarating dito sa amin. Ang mahal ng bayad sa Ferry! Kasi base yun sa taas at haba ng sasakyan mo. Kahit naman, halimbawa, ang ordinaryong tsekot at saka dalawang pasahero , mga $80.00 one way ang bayad! ANO? Ang mahal! Kaya yung mga may trailers o kaya mahahabang motorhomes, ay halos $400 plus ang bayad, one way lang yun! OO nga, magandang tingnan ang mga sceneries dito pero mahal din ang pamumuhay sa Vancouver Island. Pero  retiro naman ako. Sulit na kasi, maganda ang klima dito, maigsi lang pa  winter. At saka kahit mag-snow ay lusaw kaagad after 1-3 days at the most naman! Kaya,ok na sa akin ang extra bayad kasi maligaya naman ako ! Ay ayoko ng maghukay ng SNOW! Delikado pa yun kasi candidato pa ako ng heart attack kung maghuhukay pa uli ako ng SNOW, no thank you! Ayaw ko na! HEHEHE!










Ok po, sa susunod na kabanata uli! Matagal akong di nakagawa ng article kasi masyadong naging busy. Pero I'll try uli na makapag-publish uli sa Birong Pinoy, sorry sa very long delay!!! Bye for now!

NAIIBA NGA PALA AKO! HAHAHA

Mulat sapul, hindi ako gaanong matatakutin sa disgrasya o sa mga gawain na peligroso sa buhay. Kasi ang aking paniniwala ay kapag oras ko n...