Pages

Tuesday, August 25, 2015

Tara na, Maggala Tayo!

Ang kainaman ng retiro na ay tapos na hirap sa trabaho! Pagkaraan ng mahabang panahon sa pagkakayod ay nagka-edad na ako at retiro na! Marami pa din akong ginagawa sa bahay, mahilig akong magtanim ng gulay, mga prutas at berries at saka landscaping sa buong bakuran. Kaya para na ding regular na " trabaho " ang aking araw-araw na gawain. Kasi marami akong nakikita sa paligid na mga retirado na pero mga walang magawa sa bahay! Ang nangyayari ay pasunod-sunod sa kanilang mga asawa na parang Grade Schooler uli, hehehe! Wala kasing mga hobby kaya mga bored sa buhay! Tingnan mo nga naman, halos habang panahong nagtrabaho at matagal na hinintay ang pagkakataon mapag-retiro tapos biglang-bigla eto na, ganun lang ba ang pakiramdam ? O ano gagawin ko ngayon? Ay kalabaw! Kasi ang plano lang ng karaniwan ay makapag-ipon lang akala ay kapag maraming pera sa banko ay masaya na sila pag retirado! Kapag wala kang mga hobbies ay mahihirapan ka nga sa bahay lang!
Mahilig ako sa libot at ang number one kong hobby ay photography. Kaya mula pa nuong mas bata pa ako, mga 25 na anyos at hangga ngayon hobby kong  photography ay enjoy na enjoy ko! Ang aking misis naman ay mahilig sa bird-watching kaya kapag namamasyal kami ay ako ang photographer siya naman ay busy sa bird identification. Syempre, masarap mag-travel pag- retiro na. Di kami nagmamadaling umuwi. Kahit madilim na ng konti ay ok lang, wala trabaho kinabukasan ! !Ang kainaman ng lugar namin ay maraming mga parke na malilibutan. Libre dito yun, walang bayad. Kasi sagot yun ng mga taxes na binabayad namin sa munisipyo at sa Gobyerno. Nakikita mo kung saan napupunta yung buwis! Kapag umaalis kami ng malayong lakbay, ay sa camperized van kami sumasakay. Medyo malaki yun kaya ako lang ang driver, si Misis ay nerbyosang magmaneho nun. Sanay lang sya sa Toyota Corolla namin. Kasi 1-ton ang Roadtrek namin, mabigat na V-8 kasi kumpleto yun. Lutuan, CR, Air-con, etc. Mahilig akong magluto kaya ako ang cook paghinto at parada namin sa gabi. Dito kasi ay kailangan mong huminto sa Campsite na pribado o publico. May bayad yun pero mas murang-mura kesa sa hotel o motel. Mahigit na kalahati o kaya 1/3 lang karaniwan ang bayad kung ikompara mo sa hotel.




Kagaya lang nuong isang buwan ay galing kami sa isang isla na Texada Island ang tawag. Ay, ang sarap nga kasi tabing dagat lang! Bumili ako ng fishing license para pang-dagat at kasama na duon ay ang puedeng manguha ng mga clams at oysters! Ay,naku ang dami pong mga oysters at malalaking clams sa dalampasigan! Talagang namumulot lang ako! Ang license para sa pensioner ay $12.00 lang pang-isang taon . Ay alam ninyo, may fridge din kasi sa van namin kahit maliit nga lang ay napuno iyon ng oyster meat at saka clam meat! Yun nga lang, si Misis ay di ganung mahilig sa ganung pagkain kasi taga-rito sya. Akong Pinoy syempre ay gustong-gusto yun..inihaw, adobo..hahaha! Meron ding tinatawag na clam chowder na luto , ayun nagluto ako at nakursunadan naman ni Misis! Ang karaniwan naming kinakain pag-camping sa van ay gulay, manok, itlog, kanin, cereal, gatas, etc. May maliit na kusina kasi kami sa van. Kaya ito ang BAHAY namin pag naggagala kami. Puedeng huminto kahit kelan at pag-jingle ang kailangan ay walang problema, may CR kasi. May tangke sa ilalim ng van pag napuno na ay punta lang sa SANI-DUMP ang tawag at duon nag-flu-flush nung dumi! Para ngang bahay! Kahit tag-ulan, mainit o kahit mag-snow ay ok kami sa loob. May heater kasi at OO nga pala, may shower din sa loob at sa labas ng van. Ay parang salesman ako ng van, hahaha! Ipinapaliwanag ko lang ito para maintindiahan ninyo kung paano maggamit.
O , sige na po kayo diyan, marami pa akong aasikasuhin sa garden ko, pipitas na ako ng kamatis at litsugas! Babay na po!!!


APO AT APSO

Tiyak na hindi lang ako ang may kasong ganito: Dalawa ang anak ko, parehong lalake. Ang panganay ay may anak na batang babae, una at nag-iisang apo pa lang. Ang bunso kung anak ay walang balak mag-anak. Syempre, medyo lungkot kami ni Misis ko kasi mas maganda at masaya kung mag-kakaanak sila. Kaso nga mas gusto ang kanilang alagang aso. Malayo ang bahay at tinitirhan ng panganay ko! Halos mahigit na 4,000 kilometro ang layo nila mula sa amin. Dalawang lipad ng eroplano bago makarating sa kanila. Sa halaga ng pamasahe e bihira lang kaming magkita! Halos nga taon-taon lang. We take turns naman para di ganung magastos sa aming dalawang pamilya. Ngayon, yung bunso ko naman ay mga 8 minuto lang ang layo ng bahay nila mula sa amin. Busy silang pareho nung mahal niya kaya di gaanong madalas din ang pasyal at bisita nila sa amin.
Di ba sa fridge natin may mga retrato ng mga mahal natin sa buhay na naka-dikit sa tulong ng magnet? Sa aming fridge ay naka-display ang dalawa kong APO AT APSO! Hehehe, yung apong babae at ang APSO mula sa bunso! Tinawag ko na lang na APSO ( ASO AT APO) para di ako malito. Hehehe! Ngayon, parehong cute syempre yung dalawa! Kaya nakakatuwa pag nandito silang pareho. Kaso nga ay taunin lang kung magkita yung dalawa! Ang kainaman nga ay regular na Skype kami para kunwari ay TOTOONG nag-uusap na kaharap talaga! Nag-iiSKYPE naman yata yung dalawang magkapatid at yung mga alaga nila ay nagkikita din, hehehehe! Nuong isang taon ay nagkita yung APSO at APO ko sa aming lugar. Nakakatawa kasiyung unang pakikita nung dalawa!
                                              APSO: LARO tayo!
                                              APO: Walang kagatan ano?

Kakatuwang panuorin yung dalawang " bata ", kasi yung APSO ay mahigit lang isang taon at yung APO ay 3-taon na! Laro sila na parang parehong " TAO", lol!


Sa madalit sabi ay DALAWA nga ang naging APO at APSO ko! Hehehe, parehong nakakaligaya sa buhay naming mag-asawa at lahat naming pamilya! Basta maligaya ang buhay at tahimik na namumuhay, wala na akong mahihingi pa! OK na yun sa akin! O , sige at maglalaro na kami ng APSO ko! Hahaha! Babay!!!






Ay Salamat sa buhay at Nakakaraos naman!


Teka, 44 na taon na pala ako dito sa Canada! Wow, ang bilis ng panahon, ano nangyari? Ang buhay nga ay saksakan ng bilis! Naging LOLO , kahit isang apo ok na rin kesa wala! Ang kainaman, mura lang ang gastos pag Pasko! Hehehe! Ang kahirapan nga lang ay malayo ang bahay nila mula sa amin kaya minsanan lang kaming magkita nung apo ko at magulang niya. Syempre, Skype na lang para di malimutan nung bata ang kanyang Lolo at Lola. Ang galing nga ng technology ngayon ano? Natatandaan ko nung 1971 ng bagong salta lang ako sa Edmonton, ang long-distance call nuon ay .50 cents isang minuto! Ang mahal! Kasi ang minimum wage lang nuon ay $1.75 per ora! Eh , syempre pagtawag sa atin para makausap ang mga magulang ay at least 15 minuto! Kaya nagmamadali ako sa pagsasalita para maisulit ang bayad! Ang akala nga ng marami ay parang pinupulot lang ang mga pera dito pero sa totoo ay malaking kahirapan ang sasagubong sa iyo pagdating mo dito.
Ok, Ok, dapat ay BirongPinoy ang topic, naging sentimental si Lolo, hehehe, pasensya na kayo at kasi pagnagkakaedad na nga pala ay ganito ang nangyayari! Nagiging serious ang isipan! Aha, pero, hindi pa ako susuko sa edad ko! Hahaha, ay malakas pa ako at mahilig pa ding tumawa at magpatawa! Alam ninyo, pag summer na sa lugar namin ay para na din sa 'Pinas kasi sa Vancouver Island ako nakatira. Mainit din dito pag summer, kasi nga dahil din sa humidity kung minsan ay 30'C plus din ang temperature dito parang Manila din. Buti kamo at tabing dagat kami kaya may hanging dagat, ayos na din! Hindi alam ng marami na may mga lamok din dini. Kaya ang dapat ay linisin ang mga balde , plastic pail at iba pang puedeng maging itlugan ng mga lamok! Ay, para ding mga lamok sa atin, vampira din ang mga bwisit na yun! Ang lugar namin ay maraming ulan din pero mas gusto ko nga yun kesa sa snow! Yun nga eh, sa winter time ay tag-ulan ang kalimitang klima dito di kagaya ng ibang lugar sa Canada na may snowstorm. Paminsan-minsan din ay may konting snowfall sa lugar namin pero kalimitan ay ulan. Nabanggit ko na nga ang snowfall sa isa kong POSTING kaya di na ako  ganung magkukuwento tukol duon. Ang mga pangkaraniwang mga tao dito ay talagang very polite! Magagalang din at maraming mababait na tao lalo na yung pangkaraniwang MAYAMAN ang tawag sa atin. Halimbawa, kapag may sinudundan kang isang mama o ale na nagbukas ng pinto halimbawa sa opisina, shopping mall o kesa nga saan, hahawakan nila ang pinto para di sumara sa pagpasok mo! Ang bait at very caring ano? Hehehe, sa Pinas ay di uso yun, palaging nagmamadali yata sa atin kasi naman ay ang daming tao! Dito ay kahit crowded ay di nalilimutan ang good manners! Magandang tingnan yun at masarap at mahusay na kaugalian, di ba? Marami din akong mga kakilala na may pera din at mayaman ang buhay nila pero hindi napupunta sa ulo. Bihira dito ang tinatawag na mayabang at pasikat kasi nga , halos lahat naman ay disente ang pamumuhay.
Marami pang mga ugali at kalakaran din na naiiba sa 'Pinas. Halimbawa ay sa pagkain sa restaurant o kumbida wari sa isang bahay. Di ba sa 'Pinas ay kaugalian ang hindi uubusin ang pagkain sa plato for whatever reason, baka eka akalain na guton na gutom. Dito ay uubusin nila hanggat makakayanan ang natitirang pagkain sa plato kasi nga, ayaw din ng mga taga-rito na sayangin ang pagkain lalo na ang ulam. Kasi pinaghirapan din yung pera bago nakabili na lulutoing pagkain! Maganda ang turo dito kasi yung mga naunang mga imigrante dito ay mga naghirap din bago nakadaos pagkatapos ng ilang taon pagsisikap dito.Putris, nag-parang PARE yata ako, tunog SERMON paya ang ang laging labas ng posting!! Hehehe, Ok na po mga Kabayan, at magdidilig ng ako ng mga tanim ko...All together now..." Bahay Kubo, Kahit Munti...( di munting lupa ha?)..Babay!

                                                 Tunay na vegetable garden ko ito!
                                               Miss ko minsan ang kubo sa Probinsya!




                                                

Monday, August 24, 2015

Talagang Iba kesa sa retrato!

Hmmm, di ba pag nakakakita tayo ng mga magagandang sceneries sa mga magazines at habang nanunuod ng video mula sa abroad, the first thing na masasabi natin ay, " WOW na WOW, ang GANDA!". At syempre, medyo tayo maiinggit kasi, someday din gusto nating maka-experience ng katulad ng ibang kabayan. Ang pangkaraniwan na nakakatuwang makita ay ang winter snow! Kasi lalo't malapit na ang Pasko, ina-asosociate natin ang snow sa Pasko lalo na't may mga Pine trees sa background at saka may patong na snow, MALIGAYANG PASKO na po!! Hehehe! Ay sa totoo, wala sa loob ng mga taga-'Pinas na mahirap linisin ang mga snow! Ok lang kung nasa apartment ka lang at umuupa pero pag meron kang bahay, ikaw na may-bahay ang bahala sa papag-clearance ng snowfall kasi batas sa Canada na linisin ang snowfall sa sidewalk sa tabi ng bahay mo. Pag hindi ay puede kang pagmultahin ng municipyo! Ang gagawin nila ay magpapadala sila ng mga city workers at saka sila ang maglilinis pero ang mahal ng singil, kasi City workers ang rate nila! Aha, ganun pala kamo! Kaya mapipilitan kang mag-shovel ng snow! Ang kaso nga lang kung  minsan, lalo na sa Northern parts ng Canada, malimit mag-snow kung minsan nga over 7 months sa taon-taon yun! Ay!, Patay ang katawan mo sa paghuhukay ng snow! Yamot at kabwisitan pagkaraan ng maraming araw na paghuhukay! Hehehe, eh ano, gusto pa ba ninyo ng SNOW? Kaya nga after 19 years ako na tumira sa Edmonton, lumipat kami sa Vancouver Island, British Columbia para makalayo dun sa lugar na yun! Sobra tagal kasi ng winter duon! Ang downside naman sa Vancouver island ay sa halip na snow sa winter ay tag-ulan naman dito! Ay, mas gusto ko naman ang ulan kasi nasanay naman tayo sa ulan at bagyo sa 'Pinas! Yun nga lang, mas mahal tumira sa isang isla ( Vancouver Island) kasi sasakay ka ng ferry from the mainland para makarating dito sa amin. Ang mahal ng bayad sa Ferry! Kasi base yun sa taas at haba ng sasakyan mo. Kahit naman, halimbawa, ang ordinaryong tsekot at saka dalawang pasahero , mga $80.00 one way ang bayad! ANO? Ang mahal! Kaya yung mga may trailers o kaya mahahabang motorhomes, ay halos $400 plus ang bayad, one way lang yun! OO nga, magandang tingnan ang mga sceneries dito pero mahal din ang pamumuhay sa Vancouver Island. Pero  retiro naman ako. Sulit na kasi, maganda ang klima dito, maigsi lang pa  winter. At saka kahit mag-snow ay lusaw kaagad after 1-3 days at the most naman! Kaya,ok na sa akin ang extra bayad kasi maligaya naman ako ! Ay ayoko ng maghukay ng SNOW! Delikado pa yun kasi candidato pa ako ng heart attack kung maghuhukay pa uli ako ng SNOW, no thank you! Ayaw ko na! HEHEHE!










Ok po, sa susunod na kabanata uli! Matagal akong di nakagawa ng article kasi masyadong naging busy. Pero I'll try uli na makapag-publish uli sa Birong Pinoy, sorry sa very long delay!!! Bye for now!

Tuesday, January 29, 2013

Nuong Bata pa ako...

Ah hindi ko talaga malilimutan nuong bata pa ako kapag linggo na sa halip na sa simbahan ay sinasamahan ko ang aking Tatang sa kanyang dibersyon na sabungan. Wala siyang katyaw na alaga. Mahilig lang siyang pumunta at pumusta sa sabungan paminsan-minsan pag linggo. Syempre, mas gusto ko ang pumunta sa sabungan sa halip na maidlip lang at sobrang mainip lang sa simbahan, Unang-una nuon ay Latin pa ang gamit sa mga sermon eh wala namang marunong magsalita o makaintindi sa Latin, di ba? Ang kainaman sa bata na kagaya ko nuon ay pag-nasa sabungan na kami ay ibinibili ako ng aking Tatang ng mga kakanin sa sabungan..hehehe. Dalawa ang bisyo ni Tatang nuon. Mag-sugal na Monte ang tawag at pumusta sa Sabungan. Ang kainaman naman ng sistema ni Tatang ay kapag nanalo na siya, kasi di siya  gahaman, uuwi na sya kaagad. Pero bago umuwi ay bibili sya ng kakanin para minanda namin. Syempre lalo na at medyo malaki ang napanalunan nya. Ang malimit kasi sa atin nuon ay kapag-nanalo ang isa sa sabungan ay nahihirapan silang huminto. Si Tatang nga ay mga disiplina, kapag nanalo na ng kunti ay tapos na ang kanyang pamumusta. Kasi iyun ang kanyang sideline sa trabaho nya. Ang tunay na trabaho niya ay gurnasyon. Yun ay mga gamit sa mga kabayo na humihila ng karitela. Ako ay katulong din ni Tatang sa paggawa ng mga gamit sa gurnasyon. Mananahi din niya ako at natatandaan ko na mga .35 na barya ang bayad nya sa akin. Noon ay .singko o 5 centavos lang ang mga baon ng mga bata sa eskwelahan. Nakakabili na ako ng ice-drop, sorbetes at iba pang mga murang kakanin sa mga sari-sari store.
Sar-Sari Store
Taho Vendor
Kaya kapag nabayaran na ako ni Tatang ng .35 centavos ay parang mayaman na ang pakiramdam ko nuon. Syempre, tinuruan kami na mag-ipon kaya mga singko o dyes lang ang karaniwan kong ginagastos sa pagbili ng sitserya. Ang isang botelya ng Coke, Pepsi at iba pang soft drinks nuon ay .10 dyes ang bili nuon kaya bihira din akong bumili ng de bote. Ang malimit kong bilhin ay hopya, sorbetes, taho at bakya mo Neneng na tinapay na may palaman iyun na matamis..hahaha! Marami kasing mga sari-sari store sa halos lahat ng lupalop sa Pilipinas nuon. Halos lahat ng kanto ay may sari-sari store. Ang paborito ko namang candy nuon ay coconut candy , nalimutan ko lang kung ano ang talagang tawag pero nuon ay nakakabili ako ng tingi o isang candy mura lang nuon...isang centavo o sentimo lang. Kaya pag bumili ako ng dyes Ay, marami na yun..hahaha! Kapag sabado naman at mga alas dyes ng umaga ay inaantay namin ang pagdating ng magtataho. Eh hindi ko lang alam ang pangalan nung itsik na suki namin pero palagi kaming nag-aantay sa kanya. Ang isang maliit na baso na pupunuin ng taho at arnibal nuon ay .5 o 5 centavos lang nuon.Ah, si Mang Carding ang suki naming sorbetero. Nakakatawa sya kasi marunong siyang mag-wari-wariang Intsik , masiste at mahilig pa nga kaming mag-laro ng mabilis na  chess bago sya umalis ..blitzkrieg chess ang tawag duon kasi mahilig akong maglaro...hahaha! Si Mang Carding syempre, sa aking palagay ay napakasarap ng sorbetes nya lalo na pag may mamahalin na APA, yung malutong at matamis na special apa. Ang malimit kong bilhin ay isang basong sorbetes..marami na yun...5 centavos din nuon busog ka na sa sorbetes...Hindi ko natatandaan na nagkasakit ako dahil sa sorbetes kasi ngayon ay " dirty ice cream" na ang tawag sa sorbetes na nilalako ng mga sorbetero. Ewan ko pero nasasarapan pa rin ako sa dating mga sorbetes ng mga sorbetero.

Ice-Cream Vendor ( Sorbetero)
 Ang isa pang sideline ko nuong bata pa ako ay ang mang-huli at magbenta ng gagamba. Kasi mahilig sa San Jose o Baliaug ang mga lalaki kahit sa elementary grades land nuon na pumusta sa mga gagamba. Marunong akong mamili ng matapang na gagamba nuong panahon na yun. Sa mga balag namin lang ang maraming mga gagamba. Ang tawag namin sa matatapang na gagamba ay Gagambang ToToo at ang susunod na matatapang ay WATOG ang tawag. Kung minsan ay sa tabing tumana kami ni Amang pumupunta para manghuli ng gagamba. May mag kasa-pwego kami na gamit para duon ilagay ang aming mga nahuhuling gagamba. ang pangkaraniwang presyo nuon sa mga .35 o .50 sa malalaking gagambang Totoo at ang mura ay ang Watog. Kasi mas matapang nga ang Gagambang Totoo kesa sa Watog kasa nga mas mahal. Kaya kung minsan ay mahigit na PISO ang aking nagiging pera kapag marami akong nahuling gagamba. Ang gusto ko lang ay magbenta nuon hindi ako mahilig sa sugal ..hahaha. Negosyante lang ang aking ginagawa para marami akong maipon at baon sa eskwelahan.
Gagambang Totoo
Propesyunal sa Gagamba
 Gagamba Apisyunado ...bata pa! LOL
Ang kainaman nga lang ay lumaki ako na hindi naging sugarol at lasenggo..hahahha! Isipin mo na lang na bata pa ako sa lumaki sa sabungan at gagamba. Ni hindi ako marunong uminom, manigarilyo o magsugal kahit ngayon. Hindi ko syempre malilimutan yung kabataan ko kasi ay nag-enjoy naman ako...kahit ngayon ay paminsan minsan nga ay nanghuhuli pa rin ako ng gagamba para aliwan...hahahaha! Shhhhhtttt, bawal yata dini yun....hahahahahha! O sige at baka may mag-sumbong na sa SPCA at sumakit lang ang ulo ko...babay!!!


Thursday, December 27, 2012

ANG JEEPNEY SA PINAS




Dapat ay ihinga ko ito kasi ay talagang bwisit ako sa JEEPNEY! Unang-una, sobra naman ang mga dekorasyon nito. Masakit sa mata, masakit tingnan at siksikan talaga sa loob. Lalo na kung medyo matangkad ang pasahero, masakit sa likod, leeg at iba pang parte ng katawan mo. Lalo na kung mapaka-init ang klema, punong-puno sa loob at baka me amoy pa ang katabi mo, Inang ko po! Hhehehehehehe...Hindi naman sa namimintas kasi sanay din naman  akong sumakay sa jeepney nuong araw nung nasa Pinas pa ako . Nasasabi ko lang  kasi e ito ang napag-uusapan natin ngayon. Kasi talaga namang sobra-sobra naman ang mga inilalagay sa labas at loob ng jeepney. Di ba?


 Ang kainaman naman sa jeepney ay mura  lang naman syempre  ang bayad. Binibiro mo kung walang mga jeepney , Ay,e di lalong hirap na magiging buhay . Paano namang makakapunta sa kanilang mga trabaho ang mga pangkaraniwang mamamayan o trabahador? Syempre, malaking bagay sa buhay ng pangkaraniwang mga tao sa Pinas. Nasasabi ko lang na bwisit ako sa sobra-sobrang mga dekorasyon lalo na sa harap sa windshield ng driver. Ewan ko paanong nakikita nung driver ang mga daan at ang traffic sa dami ng mga dekorasyon, hahahaha! Yung mga nasa ibang bansa ay ikumkumpara itong mga jeepney sa mga sasakyan ng mga Mexicano kasi , maarte din kasi sila lalo na ang mga lalakeng Mexicano kasi sobra din ang dekorasyon nila sa kanilang mga sasakyan lalo na sa mga kotse! Seguro kasi namana natin yun sa mga Kastila, hehehehe!


Ang mas grabe syempre ay yung mga nasa probinsya na taksan-taksan talaga ang mga pasahero kasi di gaanong maraming mga byahe ng mga jeepney sa kanilang mga rota kasi nga ay ang mahal na gasolina sa Pinas. Ang kahirapan nga lang ay ganun din ang bayad o pasahe mo, kahit nasa tuktok ka ng jeepney! Bilib nga ako at mahusay mag-balansya ang mga pasahero kasi lalo na kung lilikong bigla ang jeep ay baka mag-bagsakan lahat ang mga pasahero. Eh tiyak na bago ka dalhin sa ospital ay sisingilin ka muna nung driver, hehehehe! Lintek naman sistema yun ano? Hhahahaha! Ang kainaman nga lang ay walang ganung maarteng mga pasaherong babae dun sa ituktok ng jeep, bwisit din kasi ako sa mga maarteng mga tao...hehehe, kahit na ituktok ng jeep eh di maiwasan yung kaartehan...hahahaha! Sana yun ang mabagsak sa kalye, hahahaha! Hey, biro lang yun...hehehehe.


Eto nga pala ang isa pang kinabubuwisitan ko: Bakit ba ang hilig lagyan ng Mercedez Benz logo ng mga jeepney driver sa atin? Hhahahaha, akala ba nila talaga na may maniniwala dun? Tamo yung mga ka-artehan na yun, pag-inisip mo nga ay maiiling kalang sa mga luho at kayabangan sa Pinas...hahahahaha! Mas gusto ko pa ang talagang simpleng jeep, walang dekorasyon, mas malinis at maganda sa tingin....kasi may sasakay din naman sa jeep , may dekorasyon o wala, di ba? Kung gusto mong mamalengke at nagmamadali ka, e sira naman ang ulo mo kung mag-aantay ka pa ng maarteng jeepney. Kung may naunang simpleng jeepney na walang dekorasyon, eh alangan namang mag-intay ka ng kalahating oras para lang makasakay sa maarteng jeepney...hahahaha!

  

Ang kaso lang eh walang simpleng jeepney na namamasada sa Pinas. Oblisgasyon yata ng lahat ng may-ari ng mga jeepney na lagyan ng patong-patong ng mga dekorasyon at iba-ibang mga kulay ang kanilang mga jeepney. Kasi sa kanilang palagay ay mas maganda kung mas maraming mga dekorasyon...ay naku, kaya pala ako walang jeepney kasi wala akong hilig sa kaartehan...hahahahahaha! Ok, ito ang aking topic sa aking Blog, sa susunod na uli..mag-iisip ako na makaka-asarang bwisit...BABAY!!!!! Ok, eto na pala ang jeepney ko...maka-punta nga sa palengke at makakain sa karenderia ni Aling Maria...sarap ng goto nya!

Punong-Puno at may baboy pa sa loob!!!

Hila-hila express...pawis Steering din yan...
Halos walang makita sa harap ng Jeepney ,puno ng mga dekorasyon!

Sunday, December 23, 2012

AY LOLO NA AKO

"Magandang Pasko po sa inyong lahat!" Ay naku, ang bilis talaga na takbo ng
 panahon. Nuong isang taon ay pangkaraniwan lang ang takbo at pakiramdam ng buhay ko, ngayon ay naging LOLO na, hehehehe! Naging myembro na rin ako ng mga LOLO't LOLA Tropa. Totoo nga ang ating naririnig , iba ang pakiramdam ng naging bagong LOLO...MATANDA NA KO! Hhehehehe...ano nga ba ang nangyari at biglang-bigla naiba ang tawag sa akin...LOLO. Parang bang ang nasa isip kapag narinig ko ang salita na yun ay letrato na isang hikaing, matandang lalaki na may tungkod at paengkang-engkang na lang ang lakad. At saka masasakit ang mga braso, likod, paa, hita, kamay, malake tiyan, hindi na halos makakilos...at iba't-iba pang mga problemang sakit...hahahaha! Mainam naman at porke may disiplina ako sa buhay ay medyo malakas pa ang aking katawan. E bakit nga e wala namang mga ka-inuman linggo-linggo..toma dini-toma dun at walang yosi...hehehe! Pero balik tayo sa pagiging Lolo. Ang pakiramdam pala ay parang nagmamalaki ka ,kasi ay ang anak mo ay naging Ama din kaya kung walang LOLO ay hindi siya 
 magiging DADDY! Ah, tama nga! Ang problema lang ay walang kahawig sa akin ang aking APO, kaya wari-warian lang yata ang pakiramdam ng pagiging LOLO sa
 BATA..!Di ba ganun ang maririnig natin ano? Sino ba ang kahawig nung bata? Eto syempre ang sinanryo, hehehe, kapag napaka-panget nung apo eh syempre, ayaw mong masabing kahawig mo, hahahahahahaha! Ngayon, eh sino naman ang gustong umamen na panget ang kanilang mga apo?  Kasi nga ang tingin ng lahat sa mga bata ay KYUT, hahaha, kahit halimaw ang itsura . Lintek na biro ito ano? Hahahaha...Kasi sa tingin ng  mga bagong  magulang sa kanilang bagong silang na anak ay ang pinaka-kyut na bata sa buong lupalop sa kapaligiran nila! Pinaka-magandang bata. Ok, nasisiste ko lang ito kaya huwag kayong magagalit sa akin. Sabi ko nga ay mga BIRO  lang ito...relax lang kayo. Kaya madaling makita kung bakit maraming mga kabataan na lumalaki ang mga ulo maski bata pa kasi nga ay nasasanay sa mga tawag na " POGI"  at " GWAPO", o " MAGANDA.."..kaya paglaki ay maluluho at mga nasanay sa basta hingi at bigay naman ang mga magulang at mga Lolo at Lola nila sa mga hinihingi kasi ay ' KYUT' sila. Eh ang nangyayari nga lang ay 45 anyos na pala sila ay maarte pa rin at nakasuso pa sa mga magulang o mas grabe ay sa mga matatandang Lolo o Lola nila..hahahaha! Ay naku, mahirap maging LOLO ano? Iba kasi ang takbo ng isipan ko kaya wala akong takot na ang aking APO ay magiging SPOILED dahilan sa akin....pangako yan...hehehe! 

Ay mainam at sa isang buwan ay dadalaw sa amin ang aking APO. Halos mahigit na 9 na buwan na yung APO pag nagkita uli kami, syempre sabik-sabik na kaming LOLO at LOLA na makita yung bata. Huwag kayong mag-alala, di namin tatawagin na pinakamagandang BATA o APO sya...hahahahahaha! Alam naman namin kung sino kahawig eh...sino nga ba? Hhahahahaha!!! O, sige, Magandang PASKO uli sa lahat lalo na sa mga bagong LOLO AT LOLA sa buong mundo! BABAY!!!